Isang tulog na lang at darating na ang pagtatapos na aking hinihintay.Tapos na ang mahabang pahanon ng pagsusunog ng kilay, mga gabing halos walang tulog, at mga araw na nag-hahabol ng mga deadlines. Hindi ko sukat akalain na magagampanan ko lahat ng aking mga tungkulin sa graduate school.
Sa panahong ito, maraming mga bagay akong pinagninilayan hinggil sa pagtatapos. Ating tingnan ang iba't ibang kahulugan ng pagtatapos.
Para kay Ben Cabrera, tinaguriang National Artist for the Visual Arts, bad trip ang pagtatapos o graduation. Bakit? May sampung kadahilanan siyang nanabanggit mula sa kanyang talumpati noong April 21, 2007.Lima lang dito ang aking tatalakayin.Unang dahilan, 'pag tapos ka na, wala ka ng baon. Tama siya. Simula ng ako'y mag-aral sa graduate school, wala na akong baon mula sa aking mga magulang. Siyempre, nagtra-trabaho na ako. May sweldo na ako. May sarili na akong baon. Pero, mas maganda pa rin kung mula kay nanay o tatay para walang gastos.hehe.
Ikalawa, hindi na puwedeng lumiban sa klase ng anim na beses. Wala ng academic freedom kasi wala na sa akademya. Kapag nagtrarabaho ka na at um-absent ka ng tatlong beses (AWOL), tingnan lang natin kung ano ang mangyayari.
Ikatlo, konektado ito sa ikalawang kadahilanan. 'Pag tapos ka na, hindi na puwedeng mag-drop. 'Pag nag-aaral ka pa at power tripper ang guro mo, p'wede kang mag-drop at tapos ang problema... Buti na lang at wala akong naging guro na power tripper. Kung hindi, nag-drop na siguro ako.hehe. Kapag nagtratrabaho na, hindi na puwede mag-drop ng trabaho. 'Pag tapos, ika'y maga-apply muli makalipas ang isang buwan.
Ikaapat, hindi na puwedeng mangopya. Hindi na puwedeng ipa-photocopy ang notebook ng katabi. Base sa aking karanasan, 'pag may trabaho ka na dapat matuto ka ng dumiskarte at pag-aralan ang mga bagay-bagay na patungkol sa iyong trabaho. Kailangan may sarili kang ideya. Bawal ang mangopya at kunin ang ideya ng iba.
Ikalima,'pag tapos ka na. Tapos ka na. Hindi ka na puwedeng bumalik. Tapos na ang mga araw ng baon, pag-aabsent, pag-drop, pangongopya...Tapos nga eh. Tapos na. Oras na para mag-simula.
Sa aking palagay ang pagtatapos ay hindi lamang pang edukasyon. Ito rin ay sumasalamin sa iba't ibang aspeto ng ating buhay.
Ating tingnan sa aspeto ng relasyon. Kapag natapos na ba ang relasyon (boyfriend-girlfriend relationship or husband-wife relationship), hindi ka na ba puwedeng bumalik? Tulad ng pagtatapos sa edukasyon, 'pag tapos ka ng elementarya, hindi mo na puwede itong balikan. Sino ang nasa tamang isip na babalik pang muli sa elementarya imbis na high school na ang dapat pasukan niya? Ganoon ba kapag natapos na ang isang relasyon -- wala ng balikan? Kapag tapos na. Tapos na. Kung ganito nga, bakit may mga taong nakikipag balikan sa dati nilang ka-relasyon? Ang pakikipagbalikan ba sa dating ka-relasyon ay nangangahulugang simula ng isa pang pagkakataon -- isang panibagong yugto -- tila ba gang walang nangyari?O,isa ba itong kahibangan--nasaktan ka na ngunit pinili mo pa ring balikan ang mapait na nakaraan? O di kaya nama'y, mas tama bang pumili na lang ng bagong mamahalin at mag-simula ng bagong yugto ng iyong buhay?
Tingnan naman natin ang ibang aspeto--life in general. Kapag namatay ka na --nakita mo na ang kapayapaan sa kabilang buhay -- at nabigyan ka ng isa pang pagkakataon, pipiliin mo pa bang mabuhay muli samantalang masaya ka na sa kabilang buhay? O, titingnan mo ito na panibagong simula -- bago ang iyong buhay na tatahakin, may mga bago kang desisyon na gagawain at may mga bagong pagsubok ka na haharapin?
Ilan lamang ito sa mga bagay-bagay na aking na-iisip kapag dumadating ang pagtatapos. Kayo, ano ba ang pagtatapos para sa inyo?